Mon. Sep 20th, 2021
Ni Jing A. Mable

Part 1:  Luzviminda, bansang ina, saan ka pupunta?

May kasabihan ang mga Ninuno: “Ang sakit ng kalingkingan ay ramdam ng buong katawan.”

Ngayong panahon ng pandemya, dagdag sakit ulo ang sumasagitsit sa buong Kapuluan ng Luzon, Visayas at Mindanao (Luzviminda) buhat sa Katimugtimugang bahagi nito. Mga Kabansa, hindi lang ramdam sa kalamnan; kundi nanunuot pa ang sakit sa bulsa at kaluluwa ng Sambayanan!

Bigong Experimento na Naman?

Nangangalawang taon pa lang ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), e humihirit na agad ng palugit sa kasunduang makapagtanghal ng eleksyon sa 2022?!

Ang masama pa dito, “nagtayo-tayo na lang” ang mga kinauukulan sa isyung ito. Ayon sa mga liderato lokal ng BARMM “wala man lang konsultasyong ginawa ang pamunuan ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) sa mga lugar na nasasakupan tungkol sa mahalagang isyu ng pagpaliban ng 2022 eleksyon.” 

Tuloy ang mga lideratong politikal, mga institusyong pangkasaysayan at espiritwal at iba pang NGOs – sibil, paggawa at iba’t ibang pananampalataya – ay umaangal nang lubos.

“Bakit dumerecho sa Kongreso ang BTA na hindi muna sumangguni sa amin,” tanong ni Abraham Idjirani, punong kalihim ng “Center for Preservation of Historical Rights of the Sulu Archipelago.” Tuloy, ang BTA ay naaakusahang  lumalapastangan sa soberanyang ipinagkaloob dito ng Kamusliman.

Ipikit man ang mga mata ng buong Sambayan, di maiwasang mag-isip na patungo na naman sa kabiguan itong pinakahuling eksperimentong isinasagawa sa Katimugtimugang bahagi ng Bansa. Paalpasin man ang isyu ng kakulangan ng eksperyensya sa pamamalakad ang mga nakaupo sa BTA, hindi maipagkaila ang patuloy na pagtaas ng kriminalidad at kaguluhan sa buong BARMM. Dagdag bigat pa rito ay ang pagbulaga sa Sambayanan ng isyu ng malakihang korapsyon.

Ang 6,650 na pabahay para sa mga nasalanta ng kaguluhan sa BARMM ay napag-alamang hindi pa rin tapos gayong 2021 na.  Ayon sa kasunduan, dapat natapos na ang mga ito nuon pang Pebrero at Mayo ng 2019. Sa kasalukuyan, yung pabahay sa Lanao del Sur ay 25% at sa Sulu at TawiTawi ay 21% pa lamang ang natatapos.

Ang Komisyon ng Audit (KOA) na mismo ang nagtatanong: “Saan na napunta ang P2.34 B para sa pabahay?” Pasunod ng Sambayanan: “Saan napunta ang P150B na iginugol sa BARMM nitong dalawang taong nakalipas?”

Sa paghingi ng palugit hanggang 2025, ang pamunuan na ng BTA ang umaamin ng pagkabigong maitatag ang BARMM.

Parang mga hilong talilong naman ang Pambansang Batasan at karakarang naglabas ng apat na panukala upang pagtakpan ang malaking dagok na idinulot ng BARMM. Bakit nga ba parang baliw na paulit ulit ang mga kamaliang ginagawa ng pambansang pamahalaan ukol sa paglutas ng sigalot sa Katimugtimugan bahagi ng Kapuluan?

Wala na bang solusyon ang problema ng korapsyon bunga ng mahinang pamamalakad ng mga institusyon sa Katimugtimugan ng Luzviminda?

Saan nag-uugat ang masalimuot na kalagayan ng ating Kamusliman?

Philippine President Rodrigo Duterte, center, holds the draft of the Bangsamoro Basic Law during a ceremony at Malacañang Palace on July 17, 2017. The bill was eventually passed through Congress after serious amendments. (AP)

Kabiguan Nakaugat sa Makakanlurang Legalismo

Katawa-tawa na ang bahagi ng Kapuluang may pinakamahabang istorya ng makabagong pamamahalang politikal ay siya pang napapariwara sa dagat ng walang kaayusan. Sadya ba ang pagpapasailalim ng kapalaran ng Kamusliman ng Luzviminda sa kilos lamang ng Kongreso? Sadya ba ang pagkawalang partisipasyon ng kanyang sambayanan sa mga batas nito?

Nung walang pakundangang isinapatupad ang ‘1935 Commonwealth Constitution’, sinimulan na ang pagbaon sa limot ng bahagi ng kasaysayan sa Katimugtimugan ng Kapuluan na nagbigay dito ng pagkatao at kalinangan – ang mga Sultanato.

Naitayo ni Sharif-ul Hashim sa Buansa, Sulu ang unang sultanato nuon pang ika 17 ng Nobyembre 1405, halos 116 taon bago pa napadpad sa pampang ng Kapuluang Luzviminda sa patnubay ni katutubong Enrique Maisog si Fernão de Magalhães, isang manggagalugad na Portuges na nagtatag ng ekspedisyon para sa mga Kastila.

 Maglilimang siglo na ngayong March 2021 nang itanim ni “Magellan” ang krus na nasilbing sumpa lamang sa ating kasaysayan, simbolo ng simula ng banyagang kaisipang nagkukubli sa ngalan ng isang relihiyong maka-kanluran upang yurakan ang kamulatan nating tinubuan.

Implantation of western thought and spirituality over eastern indigenous roots.

Sinulat ng ating pambansang bayani Dr. Jose Rizal sa isang liham “Ang Noli Me Tangere, na sinipi sa aklat ni San Lucas, any nangangahulugang ‘huwag mo akong salangin’.

“Sa ganang akin ay …  napangahasan kong sagutin ang mga kalapastanganan ipinataw sa atin at sa ating bayan sa loob ng daan-daang taon.

“Inilahad ko ang mga kalagayang panlipunan…ang ating mga paniniwala, ang ating pagasa, ang ating mga pang-asam, ang ating mga hinanakit at ang ating mga sakit.

“Ibinunyag ko ang pagkukunwang sa damit ng pananampalataya ‘y nakihalubilo sa atin upang tayo’y dayukdukin at pagmalupitan; ipinaliwanag ko ang kaibhan ng tunay sa huwad na pananampalataya, sa pamahiing kumasangkapan sa banal na salita upang makapagkamal ng salapi at upanding mapaniwala tayo sa kabalbalang sukat ikahiya ng Katolisismo kung sakaling mabatid ito.”

Ginamit ng mga kolonyal ang mga banal na pangalan upang ang yaman ng bansa ay mapunta sa bulsa nilang mga naghaharing-uri at hindi sa sambayanan. Nagsabwatan pa ang mga Kastila at Amerikano para isantabi ang tunay na republika na itinatag ng ating mga bayani.

Maaayos Pa Ba Ang Winasak ng Mga Dayuhan?

Mahigit nang 600 taon ang nakalipas mula nuon. Limot na ba ang Sultanato ng Sulu? O ito ba ngayon ay parang makirot na pigsa na naghihintay lamang ng paghinog?

Napahina man ang kaayusan sa Kamusliman ng Bansa dahil sa ‘1935 Commonwealth Constitution’ at ng mga sumunod pang mga Saligang Batas ng Republika, ang pumalit naman ay ang di mapuksapuksang kaguluhan.

Kung sasariwain ang mga kaganapan nuong panahon ng Kano bago pa ang ‘Commonwealth Constitution’ ng 1935, dalawa pang bagay ang makikitang  nagbinhi ng mga sakit na dumapo sa Katimugan:

  1. ang Pagsakote ng liderato lokal ng mga iskolar o paaral ng mga Kano; at
  2. ang Pagbasura ng tradisyonal na pamunuan at pagwasak ng nakagisnang kaayusan.

Ang pag-upo ng lideratong paaral ng Kano ay nagbigay daan sa mga kaganapang umusbong sa Katimugan simula ng naisabatas ang “Commonwealth Constitution” – “patronage politics,” “political dynasties,” at “warlordism.” Sa makabagong politika, ang tinatawag na 3Gs – “guns, goons, and gold”- ang umiral. Nitong huling dekadang nakaraan, ang mga sagot sa 3Gs ay kasing rahas at udyok din ng mga dayuhan  – “separatist rebels,” “fundamentalists,” “terrorists,” atbp.

May kasabihan ang mga Ninuno: “Ang hindi marunong lumingon sa pinanggalingan ay di makakarating sa paroroonan.”

Sa pagbalik tanaw, ang ugat ng suliranin sa Katimugan ay nakabaon sa isang saligang batas na hindi angkop sa likas na kasaysayan ng Tao. Magmula sa “Commonwealth Constitution” ng 1935 hanggang sa Saligang Batas ng 1987, ang buod ng pamamahalang tradisyonal sa Katimugan – ang Sultanato – ay hindi binigyan ng pagkilala at halaga.

Dahil sa ang institusyon ng Sultanato ay biglang nawalan na ng lugar sa buhay politikal ng mga Tao sa Katimugan at ang ipinalit ay mistulang mga “carpetbaggers,” nawindang ang sistemang nakagisnan sa nakaraang 600 taon.

Parang nawalan ng dangal at lakas ng loob ang mga Muslim ng Luzviminda bunga ng panghimasok ng mga dayuhan at ng kanilang mga galamay. Pinaalala ni Idjirani na nuong pang ika-15 siglo, bago pa naging ganap ang pagsakop ng Espanya sa Kapuluan, ang Sultanato ng Sulu ay kasapi ng “Constellation of Estadoi Sultanato” sa buong Katimugang Asya.  “Ang Sultanato ng Sulu at Tsina ay mga tagapaglagda sa mga kasunduan sa pamamagitan ng mga bansa sa Asya  at mga pwersang kolonyal tulad ng Espanya, Britanya, Alemanya, Pransya, at Estados Unidos,” paliwanag ni Idjirani, na tagapagsalita rin ng Sultanato ng Sulu.

Mahalaga ding alalahanin na ang pag-iral ng sistemang sultanato sa ilang parte ng Katimugan ay hindi  nangyari sa paraang marahas at mapanghimasok tulad ng naranasan sa pagsakop ng Espanyol, Kano, at Hapones. Kung baga sa halaman, ang Sultanato ay naidugtong ng kusa hanggang ito ay bahagi na rin ng halamang tinubuan.

The Battle of Mactan depicts our people’s deep-seated yearning for self-determination and cultural authenticity, often subdued however by a super-imposed colonial mentality.

Ano ang Kahalagahan ng Sultanato?

Ano na ang katayuan ng mga limot nang institusyon sa katimugan ng Bansang Luzviminda? May halaga pa ba ang mga ito sa pagbubuo ng isang makabago, mapayapa, masagana, at malayang Bansa?

Sa malaking bahagi ng Kapuluan – Luzon at Bisayas, ang mga Sultanato ng Kapuluang Luzviminda ay wala na sa diwa. Subali’t sa mga Katimugtimugan bahagi ng Mindanao, ang institusyong ito ay patuloy na nasa isip at diwa ng karaniwang Tao. Bakit?

Sa  mahigit na 100 daang taon bago pa dumating ang mga Espanyol, ang sistema ng Sultanato ay naging bahagi na ng pamumuhay ng mga Tao sa ilang parte ng Katimugan – sa buong Kapuluan ng Sulu  (Kasuluhan), Maguindanao, Sultan Kudarat, Lanao, at ibang parte ng Davao.

Bago naging sultanato ang mga ito, ang mga namumuno sa mga lugar na ito ay tinatawag na mga Datu, mga pinuno ng kanya-kanyang mga angkan.

Sa salaysay ni Idjirani, isa ring dalubhasa sa Kasuluhan, ang pagsusultan ay  itinatag sa Kamusliman dito sa Mindanao upang pagyamanin ang uri ng pamumuno ng mga Datu. “Ang pagiging Datu ay isang politikal na katungkulan subalit ang pagiging Sultan ay may kapangyarihang magpatupad ng politikal at espiritwal na batas ng mga Muslim, “paliwanag ni Idjirani.

Ang pagtatatag ng Sultanato ay nagpapahiwatig ng lubos na pagtanggap ng Tao sa awtoridad ng Sultan sa kanilang buhay – pisikal at espiritwal. Malalim at malawak ang kapangyarihan ng Sultan sa mata at diwa ng Tao sa Kamusliman.

Samakatuwid, sa mata ng isang Muslim, ang Sultan ay hindi basta-basta mapapalitan ng kung sinong lider na hawak o tuta ng mga dayuhan o batas na ipapairal ng mga ito.

Sa ngayon, dahil sa Islam pa rin ang relihiyon ng mga Tao sa ilang parte ng Mindanao, ang pagmimithi sa isang lider na may politikal at espiritwal na kapangyarihan ay hindi maaaring ibaon sa limot.

Ang hindi tumpak na paghahanay ng mithiin sa tunay na buhay ng mga kapatid na Muslim ay mitsa sa bulkang nakaambang sumabog sa Katimugan.

Tanong ni Rizal, “Ano kayo sa araw ng bukas? Bayang walang budhi, bansang walang Kalayaan, ang lahat ngtanglay ninyo’y pawing hiram, sampu ng inyong kasiraan.

“At kahit ipagkaloob sa inyo, ano ang inyong hangad? Ano ang inyong matatamo? Maligaya na kayo kung maging bayan ng pagaalsa, bayan ng mga digmaan ng mga magkababayan, republika ng mga mandaragit…

“Patayin ninyo ang inyong katangian, isailalim ng ibang utak ang inyong pagiisip at hindi kayo magiging malaya kundi tunay na alipin pa nga.”

(To be continued)

Sultan Jamalul Kiram II. President Quezon’s arbitrary act withdrew recognition to future sultanates after his death, but that did not stop the succession to the throne to the present day. Unfortunately, the reckless fiat even brought a hornet’s nest of more serious complications to the Moro problem.

(Editor – May partisipasyon “Ang Maestro” Ado Paglinawan sa artikulong ito.)

Leave a Reply