Tue. Dec 7th, 2021
By Senator Bong Go

Sa loob ng isang taon, higit kumulang dalawampung bagyo ang dumadaan sa Pilipinas. At sa mga bagyong ito na tumama sa ating bansa, malaking pinsala ang iniiwan. Ngunit, higit sa pinsala, ang pinakamalaking responsibilidad na kailangang tugunan ng gobyerno ay ang pangangailangan ng mga taong apektado nito.

Pasimula na ang tag-init ngunit noong Linggo, bumagsak ang Bagyong Auring sa iilang lugar sa Mindanao. Noong Martes, February 23, nag-aerial inspection kami ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Surigao del Sur para tingnan ang pinsalang nadulot nito.

Nagkaroon din ng situation briefing kung saan inatasan ng Pangulo ang mga ahensiya ng gobyerno na gampanan ang kanilang mandato at komprehensibong rumesponde sa mga pangangailangan ng mga apektadong komunidad sa lalong madaling panahon upang maisaayos muli ang kanilang pamumuhay.

Dahil dito, nanindigan muli tayo na dapat talaga nating maipasa ang SB 205 o ang pagtatatag ng Department of Disaster Resilience para masiguradong may mabilis at kompletong aksiyon ang gobyerno pagdating sa paghahanda, pagresponde at pagbangon muli ng mga komunidad mula sa mga kalamidad, sakuna at iba pang mga krisis.

Habang hindi pa naipapasa ang panukalang ito, walang humpay na pagseserbisyo naman para sa Pilipino ang ginagawa natin at ng mga kasamahan natin sa gobyerno lalo na sa mga Pilipinong nahihirapan sa kanilang sitwasyon ngayon dahil sa pandemya — dagdag pa ang iba’t ibang krisis na kanilang nararanasan.

Mula Pebrero 20 hanggang 25, sa iba’t ibang parte ng bansa, namahagi tayo ng assistance sa mga Pilipinong nasalanta ng bagyo, nasunugan o apektado ang kanilang kabuhayan dahil sa pandemya.

Nitong linggo, higit dalawampu’t libong kataong naapektuhan ng Bagyong Ulysses ang natulungan natin. Ang mga benepisaryong ito ay mula sa Santiago City, Delfin-Albano, Tumauini at Cordon ng Isabela; Pulilan sa Bulacan; at sa Claveria, Sanchez-Mira, Lal-lo, Buguey, Barangay Aparri East, at Barangay Aparri West ng bayan ng Aparri sa Cagayan.

Umabot sa higit limang daan na katao naman na apektado ng bagyong Vicky mula sa Malimono, Surigao City at Mainit sa probinsiya ng Surigao del Norte ang nabigyan rin natin ng ayuda.

May mahigit dalawang libo rin tayong kababayan mula sa Santo Tomas, Davao del Norte na mga flashflood victims, at halos isang libo na beneficiaries din na typhoon victims mula sa San Luis at Dinalungan ng Aurora ang naabutan natin ng tulong.

May iilan din sa ating mga kababayan ang nawalan ng tirahan dahil sa sunog na natulungan natin. May mga 1,461 tayong kababayang nasunugan na naabutan ng ayuda sa Barangay Parola ng Tondo, Manila noong Miyerkules at 10 pamilya naman sa NHA Basketball Court sa Quezon City ang ating natulungan noong nakaraang linggo.

Higit sa lahat, patuloy din ang ating tulong sa mga mangingisda ng Island Garden City of Samal sa Davao del Norte, tindero at tindera ng Barangay Baclaran at Barangay La Huerta sa Parañaque City, at ang iba nating kababayang lubhang apektado ng pandemya sa Calumpit, Bulacan. Dulot ng epekto ng pandemya, nahirapan na silang itaguyod muli ang kabuhayan at limitado na ang pagkukunan ng panggastos sa araw-araw.

Kahapon naman, nagdala rin ako ng tulong sa mga kababayan nating empleyado ng Veterans Golf Course, matapos kong kamustahin at mag-abot ng karagdagang ayuda sa mga pasyente sa Veterans Memorial Medical Center.

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.

Personal na naghatid ng tulong Senator Bong Go sa 316 pasyente at sampung frontliners ng Veterans Memorial Medical Center sa Quezon City. Sa kanyang pagbisita, namigay ang Senador ng food packs, meals, masks, face shields, at vitamins sa bawat isa. May ilan ding nabigyan ng computer tablets, sapatos at bisikleta.

Leave a Reply