Tue. Jul 27th, 2021
As Covid cases increases exponentially in the NCR, Bulacan, Cavite, Laguna and Quezon creating a serious backlog in hospital capacity, Quezon Institute opened an offsite modular hospital and dormitory in Quezon City. Modular hospitals will also be erected in the Lung Center of the Philippines and Dr. Jose Rodriguez Hospital in Caloocan. Such facilities will also be replicated at the National Kidney and Transplant Institute, Batangas City Medical Center, at Southern Philippines Medical Center sa Davao City

Bagama’t patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga bagong kaso ng Covid-19, lalo na sa Metro Manila, Bulacan, Laguna, Rizal at Cavite o ang tinatawag nating NCR Plus, hindi tumitigil ang pamahalaan para masolusyunan ito.

Nitong Martes lang, Abril 6, binuksan natin ang Quezon Institute Off-Site Modular Hospital sa Quezon City na may 110-bed capacity para sa mga moderate to severe Covid -19 patients. Isa ito sa mga panawagan natin noong nakaraang mga araw para masigurong may matatakbuhan ang ating mga kababayang may Covid -19.

Dagdagan pa natin ang mga ganitong pasilidad. Huwag natin hayaang may naghihingalo o mamamatay dahil walang malapitan na mag-aalaga at gagamot sa kanila. Habang patuloy ang ating pagbabakuna, pinaiigting din natin ang mga patakaran upang maiwasan ang hawahan, siguraduhin nating sapat ang kakayahan ng healthcare system na rumesponde sa mga nagkakasakit.

Kaya nanawagan din tayo sa PhilHealth na bilisan ang pagproseso ng mga pambayad nila sa kanilang obligasyon sa mga ospital at healthcare providers, kasama na ang Red Cross na malaki ang tulong sa ating Covid -19 testing. Importanteng masigurong maayos ang cash flow ng mga ito para hindi maantala ang operasyon at mapalawig pa lalo ang kanilang kapasidad na makapagbigay ng tulong-pangkalusugan. Ang pondong ito ay magagamit din ng mga ospital para makapagdagdag pa ng mga kama at kagamitan para sa Covid -19 patients.

Ngunit, nakalulungkot isipin na, kahit sa gitna ng krisis ay may iilan pa ring Pilipino na ang nais lang ay manisi, mamuna at manira sa kanilang kapwa. Ang ikli-ikli lang ng buhay natin sa mundong ito, huwag natin sayangin ang oras sa sisihan at siraan. Kung magtutulungan tayo, tiyak mas mapabibilis ang ating pagbangon mula sa pandemya.

Kaya walang tigil ang aming pag-iikot para makapagserbisyo sa ating mga kababayan lalo na sa panahong nangangailangan sila.

Nitong Martes, Abril 6, tinulungan natin ang 22 pamilya na biktima ng sunog sa Surigao City at karagdagang tatlong biktima sa Tarragona, Davao Oriental. Maliban pa rito, pumunta rin ang staff sa Tanauan, Leyte upang maayudahan ang 600 market vendors na lubhang naapektuhan ng pandemya.

Nitong Miyerkules, Abril 7, binisita natin ang pamilyang nasunugan sa Maragusan sa Davao de Oro. Kasabay nito ang pamimigay ng tulong sa 295 kataong nabiktima ng Typhoon Auring. Mayroon ding mga nasunugan sa iba’t ibang bayan sa Northern Samar na hinatiran ng tulong ng aking opisina.

Kahapon naman, namahagi ng tulong ang ating opisina sa 514 katao na kabilang sa vulnerable sector sa bayan ng Limay, Bataan. Pumunta rin tayo staff sa Salug, Zamboanga del Norte para maghatid ng tulong sa 150 market vendors.

Sa ating pag-iikot, sinisigurado nating nasusunod ang kaukulang health protocols at pinaaalahanan ang ating mga kababayan na parating maghugas ng mga kamay, magsuot ng facemask at shield, at mag-social distancing para maiwasan ang hawahan ng Covid -19. Nakakasama rin natin ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno na patuloy na namamahagi ng tulong ayon sa mga programa nila para sa mga komunidad na apektado ng krisis o sakuna.

Sisiguraduhin ng gobyerno na walang Pilipino, lalo na ang mahihirap, ang maiiwan sa pagbangon mula sa pandemya. Kapit lang, mga kababayan! Magtulungan tayo! Kayang-kaya natin ‘to!

Malaki ang ating pasasalamat sa mga doktor, nurse at iba pang mga health worker mula sa Kabisayaan na nagboluntaryong ma-deploy sa mga ospital sa NCR Plus. Patunay ito na buhay na buhay ang diwa ng bayanihan sa gitna ng krisis na ating kinakaharap.

Gawin natin ang lahat para matulungan ang ating kapwa. Bawal ang papatay-patay ngayon. Kung papatay-patay tayo, mas lalong darami ang mamamatay.

Pero kailangan namin ang kooperasyon ng lahat sa laban na ito kontra Covid -19. Hindi lang ito laban ng gobyerno kundi laban ng buong sambayanan — ng buong mundo.

Hindi ito panahon para magsisihan. Panahon ito upang magtulungan!

Sama-sama nating malalagpasan ang pagsubok

Lagpas isang taon na ang Covid-19. Maraming buhay ang nawala, maraming nagbago sa ating pamumuhay. At kung kailan sumibol na ang pag-asa dahil sa pagdating ng mga bakuna, bigla namang bumagsik ang Covid-19 gawa ng mga bagong variants nito at naging mas agresibo ang hawahan sa ating bansa tulad din sa iba’t ibang parte ng mundo.

Upang maagapan ang panibagong mabilis na pagkalat ng Covid-19, napagpasyahan ng ating gobyerno na muling iimplementa ang enhanced community quarantine sa National Capital Region at sa malalapit na mga probinsiya, tulad ng Laguna, Bulacan, Rizal at Cavite, o ang NCR Plus.

Ngunit bukod sa mas istriktong mga patakaran, bilang Chair ng Senate Committee on Health, umapela rin tayo sa mga ahensiya ng gobyerno, kasama ang pribadong sektor, na bilisan ang pagtatayo ng mga pasilidad na puwedeng gamitin bilang modular facilities na may ICU beds para sa mga malulubha ang kondisyon.

Nakakaawa ang mga kababayan nating naghihingalo na, tapos wala pang mapasukan na ospital. Buhay ang nakasalalay sa bawat minutong paghihintay makakuha lang ng ospital, kama at doktor para maalagaan sila. Huwag nating hintayin na nag-aagaw buhay na sa labas ng mga ospital ang ating mga kababayang may malubhang sakit.

Kaya nagpapasalamat tayo sa agarang tugon ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagbubukas ng bagong pasilidad na mayroong 110-bed capacity para sa mga pasyente at dormitory para sa mga healthcare workers sa DOH-QI Offsite Modular Hospital sa Quezon City, na dinaluhan natin kahapon, Abril 6.

At dahil sa pinairal na ECQ sa NCR Plus, maraming Pilipino ang nahihirapang maghanapbuhay. Kaya nagpapasalamat tayo kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pag-apruba ng Supplemental Amelioration Program para makakakuha ng ayuda mula sa gobyerno ang higit kumulang 22.9 milyong mahihirap na Pilipino sa loob ng NCR Plus.

Hinihimok natin ngayon ang mga ahensiyang mag-iimplementa nito, at mga apektadong LGUs, na bilisan ang pagbigay ng ayuda sa mga benepisaryo upang mapagaan kahit papaano ang hirap na pinapasan ng ating mga kababayan.

Ang prayoridad natin ay makapagligtas ng buhay ng mga Pilipino. Kaakibat d’yan ang pagsigurong maiiwasan hindi lang ang sakit, kundi pati rin ang gutom at kahirapan.

Nagpapasalamat din tayo sa ating mga frontliners, tulad ng mga doktor, nars, at iba pang healthcare workers, pati na rin mga pulis, sundalo at ordinaryong mga kawani ng gobyerno at pribadong sektor, na patuloy ang sakripisyo at serbisyo para sa bayan.

Sa Visayas lamang, higit kumulang isang daang health workers na ang nagboluntaryo na ma-deploy sa NCR Plus para tumugon sa mga pangangailangan ng mga ospital. Patunay lamang ito na sa kabila ng pandemya, matatag pa rin ang diwa ng bayanihan sa bansa.

Maikli lang ng buhay, kaysa sayangin ang panahon sa sisihan, gamitin na lang sana natin ang ating oras at lakas para magtulungan.

Kaya sana, kung gusto nating matigil ang pagkalat ng Covid-19 at malampasan ang gutom at hirap, kailangan nating magkaisa. May kapangyarihan tayong talunin ang mga suliranin na ito kung magsasama-sama tayo. Ang bawat isa sa atin ay may papel na dapat gampanan. Lahat tayo ay dapat maging bahagi ng solusyon. Tandaan na ang ating kooperasyon, bayanihan, at malasakit sa kapwa ay makapagliligtas ng buhay ng kapwa nating Pilipino!

Leave a Reply