Wed. Sep 29th, 2021
Fifty more surrenderers swear-in allegiance back to the Philippine government.
 

by Ado Paglinawan

Tahasang na inabandona ng limampung miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) ang naturang kilusan upang samahan ang gobyerno sa mas pinaigting na kampanya para panunumbalik ng kapayapaan sa kanayunan.

Pasado alas-10:30 ng umaga Agosto 10, nang pormal na iprisenta ang nasabing mga surrenderers sa Rendezvous Hotel sa lungsod ng Masbate.

  • Lima sa kanila ay mga aktibong New People’s Army (NPA)
  • Sampung miyembro ng Sangay ng Partido sa Lokalidad (SPL), at
  • 35 miyembro ng Militiang Bayan (MB).

Isinuko rin ng mga ito ang sampung armas na kinabibilangan ng dalawang kalibre .45, apat na revolvers, dalawang shotgun at dalawang hand grenade.

Sa naturang seremonya, nakatanggap ng unang ayuda ang ngayo’y mga ikinonsidera ng Former Rebels (FRs) ng food packs at tulong pinansyal mula sa 9th Infantry (SPEAR) Division at Police Regional Office-5 (PRO-5) ng dagdag na tulong pinansyal.

“Sila ay ieenroll natin sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) o Balik-Loob, upang makatanggap sila ng iba’t ibang uri ng benepisyo na magagamit nila sa pagsisimulang muli. Sa E-CLIP, mabibigyan sila ng cash, livelihood, educational, medical at housing assistance maliban pa sa firearm remuneration para sa mga nagsuko ng armas,” ani Lt. Col. Siegfried Felipe Awichen, puno ng 2nd Infantry Battalion (2IB). 

Laking pasasalamat naman ng mga FRs sa pwersa ng gobyerno lalo na sa 2IB, na siyang tumulong sa kanila upang makauwi sila ng ligtas sa kanilang mga pamilya. Tiniyak nila na hindi nila sasayangin ang pagkakataong makapagbagong buhay kasabay ng kanilang panawagan sa mga dating kasamahan na sumuko na rin at huwag aksayahin ang kanilang oras sa loob ng teroristang grupo na pawang karahasan lamang ang inihahasik.

Para silang nagdilang anghel.

Matapos ang welcoming ceremonies sa 50, lima na namang mga miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) ang sumuko sa pwersa ng gobyerno sa Barangay Ibingay sa parehong syudad.

  • Tatlo sa kanila ay regular na miyembro ng New People’s Army (NPA)
  • Dalawa naman ay miyembro ng Militiang Bayan (MB). Bitbit nila ang tatlong low-powered firearms at isang gamit ng light anti-tank weapon.

Nabatid na ang pagsuko ng nasabing mga Former Rebels (FRs) ay bunga ng pagtutulungan ng 903rd Infantry Brigade sa ilalim ni Col. Aldwine Almase, 2nd Infantry Battalion (2IB) sa pamumuno ni Lt. Col. Siegfried Felipe Awichen, Police Regional Office 5 (PRO 5) sa ilalim ni PBGEN JONNEL ESTOMO at ng Coast Guard District Bicol sa ilalim ni Commodore Giovanni Bergantin.

Maliban sa mga ayuda at benipisyong nakalaan sa kanilang pagbabalikloob,   binigyang diin ni Col. Aldwine Almase, Brigade Commander ng 903rd Infantry Brigade, na walang katumbas ang buhay na ngayon ay nailayo na sa kapahamakan.

Ani Col. Almase. “Kung patuloy silang mabubuhay sa kabundukan at makikipaglaban sa mga pulis at sundalo, hindi imposibleng matulad sila sa napakarami ng mga komunistang terorista na napaslang sa mga engkwentro.

“Hindi karapat-dapat na ibuwis ng mga ito ang kanilang buhay sa isang lumang ideolohiya at teroristang grupo na walang awang pumapatay ng mga inosenteng buhay lalo na ng mga sibilyan at mga walang kamuwang-muwang na kabataan,”

Ayon naman kay Police BGen Jonnel Estomo, regional Director ng PRO-5, tiyak na mas marami pang mga miyembro at tagasuporta ng CTG ang magbabalik-loob sa pamahalaan lalo na at nakikita ng mga ito na mayroon ng mabuting bukas na naghihintay sa kanila at sa kanilang pamilya sa labas ng kilusan.

“Hindi po drawing ang mga pangako natin sa kanila na kapag sumuko sila ay tutulungan natin silang mapabuti ang kanilang buhay. Hindi lang po PNP at AFP ang magkatuwang sa programang ito para sa mga FRs kundi lahat ng mga ahensya ng pamahalaan,” dagdag pa ni PBGen. Estomo.

Muli namang pinasalamatan ni MGen Henry Robinson Jr PA, commander ng Joint Task Force (JTF) Bicolandia at 9ID, ang mga Masbateño sa kanilang walang sawang pagsuporta sa mga programang pangkapayapaan ng gobyerno.

Dugtong ni Robinson, “Alam namin na pagod na rin ang ating mga kapatid na magtago sa mga kabundukan at ayaw na rin naming mayroon pang magbuwis ng buhay sa mga labanan. Kaya sana huwag na ninyong sayangin ang pagkakataon na ito na ibinibigay ng ating gobyerno.

 “Hindi kailanman magiging sagot sa kahirapan at sa pagbabago  ang pagpasok sa kilusan, pagdadala ng armas at paglaban sa gobyerno. Ang tunay na  pagbabago ay makakamit lamang kung tayo ay magkakaisa.”

Government officers inspect arms turned over by former rebels.

Dumalo rin sa aktibidad sina Commodore Giovanni Bergantin ng Coast Guard District Bicol; Dir. Vert Chavez ng National Intelligence and Coordinating Agency 5 (NICA-5), PCol. Joriz Cantoria, Provincial Director ng Masbate Police Provincial Office; at mga kinatawan ng Department of the Interior and Local Government (DILG), lokal na pamahalaan at iba pang tanggapan ng gobyerno.

Magugunitang mula noong buwan ng Hunyo, matapos ang walang awang pamamaslang ng CTG sa mga inosenteng sibilyan sa Masbate, mahigit 500 na ang mga sumuko at patuloy pa ang paglobo ng bilang na ito hanggang ngayon hindi lamang sa nasabing islang probinsya kundi maging sa iba pang lalawigan sa Bicol.

Pahabol pa ni Robinson, “Ang patuloy na paglobo ng bilang ng mga sumusukong dating rebelde sa Masbate ay hindi lamang dahil sa pagsisikap ng mga sundalo kundi ng mga counterpart natin sa PNP, PCG kabilang na ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno gayundin ng mga Masbateño.

“Lalong-lalo na, nagpapasalamat din tayo sa pamilya ng mga panibagong surrenderer na ito dahil sa pagkumbinsi ninyo sa kanilang magbalik-loob na sa pamahalaan.”

Sa pamamagitan ng E-CLIP at ng mga pinaigting na programa ng Regional Task Force for the Eliminatiomn of Communist Armed Conflict (RTF-ELCAC), mas marami pang matatanggap na suporta ang mga taong nasal abas pa ng kaayusan upang tuluyan na silang makapagbagong buhay.

Leave a Reply