Wed. Oct 27th, 2021

By Senator Bong Go

Bawat oras ay importante sa laban natin kontra pandemya. Panahon ito ng pagtutulungan at bayanihan, hindi ng sisihan at siraan. Huwag nating sayangin ang panahon sa pamumulitika, unahin nating proteksiyunan ang buhay ng bawat Pilipino!

Ito ang apela natin sa lahat, lalo na sa mga kasamahan natin sa gobyerno. Suportado natin ang paghahanap ng katotohanan sa diumano ay anomalya sa gobyerno. Ngunit habang mas pinahahaba natin ang diskusyon, baka mas nalilihis ang pansin sa mga mas mahahalagang isyu na dapat nating solusyunan, tulad ng kasalukuyang pandemya.

Kaya naman, nakikiusap tayong huwag nating pahabain pa ang usapan. Kapag may mali, kasuhan at panagutin na.

Umaksiyon agad tayo dahil iisa lang naman ang hangarin nating lahat. Alalahanin nating habang nag-uusap tayo, nagdurusa ang mga kapwa natin Pilipinong apektado ng pandemya.

Kaya habang nilalabanan ang korupsiyon, kriminalidad at ilegal na droga hanggang sa huling araw ng aming termino upang mabigyan ng mas komportableng buhay ang ating mga kababayan, patuloy din ang pagtulong natin sa mga taong nangangailangan upang masigurong walang maiiwan sa ating muling pagbangon.

Sa lahat ng hakbang na aming ginagawa, ang importante rito ay makarating ang serbisyo sa tao. Hindi natin kailangan ng pagkilala, at higit sa lahat, wala itong halong pulitika.

Kaya naman, sa gitna ng pandemya, patuloy pa rin ang pagtulong ng ating opisina at ng mga ahensiya ng gobyerno sa mga kababayan nating apektado ng COVID-19, mga sunog, o nakaraang sakuna.

Mula September 11 hanggang 19, namigay tayo ng tulong sa mahigit 12,000 na kababayan natin mula sa iba’t ibang sektor sa Oton, Leganes, San Miguel, Pavia, Pototan, San Enrique, Santa Barbara, at Passi City sa lalawigan ng Iloilo.

Namigay din tayo ng tulong sa mga biktima ng baha sa naturang probinsya. Tinulungan natin ang 1,622 biktima sa Miag-ao; 730 sa Guimbal; 1,127 sa Tigbauan; 5,000 sa Banate; at 5,000 sa Dumangas.

Sa probinsiya naman ng Biliran, tumulong tayo sa 102 katao sa Maripipi; 103 sa Kawayan; 170 sa Almeria; 268 sa Biliran; at 150 naman sa Naval. Namahagi tayo ng parehong tulong sa halos 2, 000 na micro-entrepreneurs sa Canlaon City, Vallehermoso; La Libertad, Jimalalud, Guihulngan City, Ayungon, Tayasan, Bindoy, at Manjuyod sa lalawigan ng Negros Oriental. Gayundin ang natanggap ng halos 3,000 na kababayan natin sa Laoang, Mapanas. San Roque, Ambo at Catarman sa lalawigan ng Northern Samar; Oras at Can-avid sa lalawigan ng Eastern Samar.

Tumulong din tayo sa mahigit 1,000 na kababayan natin mula sa mga barangay ng Tibungco, Mahayag, Bunawan at San Isidro sa Davao City; 3,348 na mga manggagawa sa Candelaria, Zambales; 5,000 sa Lamitan, Basilan; 1,500 sa Dapitan, Zamboanga de Norte; at 339 biktima ng bagyong Jolina sa Batangas City.

Sa lahat ng ito, nakapagbigay tayo ng tulong na binubuo ng pagkain, food packs, masks, face shields, at vitamins, habang piling mga beneficiaries naman ang nakatanggap ng sapatos, computer tablets at bisikleta.

Dagdag ito sa tulong na naipamahagi na ng ibang ahensiya ng gobyerno, lalo na sa pangkabuhayan kung saan nabibigyan ang mahihirap ng puhunan at tuturuang magnegosyo. Alam n’yo, mas masarap ang pakiramdam kapag pinagpawisan at pinaghirapan ang inyong pagnenegosyo. Siguraduhin lang na magagamit ang ayuda sa tama, mapapalago ang kabuhayan upang makatulong sa komunidad, at mapakinabangan ng kanilang mga pamilya.

Nagbukas din tayo ng dalawang Malasakit Centers sa Western Visayas Sanitarium sa Santa Barbara, Iloilo at sa West Visayas State University Hospital sa Jaro, Iloilo City. Sa kabuuan, mayroon nang 141 Malasakit Centers sa buong bansa na makatutulong sa pangangailangan sa pampaospital ng mga mahihirap nating pasyenteng Pilipino.

Marami ang gustong tumulong at marami ang humihingi ng tulong kaya nagsisilbi lamang tayong tulay sa abot ng ating makakaya bilang inyong halal na senador at lingkod bayan. Ang mahalaga ay maabot at mapakinabangan ang tulong na ito ng mga nangangailangan sa mabilis, maayos, at malinis na paraan.

Sa bawat minuto ngayong panahon ng krisis ay buhay ng mga Pilipino ang nakasalalay kaya huwag tayo magpapatay-patay. Kung sino ang gustong tumulong ay welcome lahat. ‘Yan naman ang totoong diwa ng bayanihan.

Hinggil naman sa usapin ng ating vaccine rollout, as of September 15, meron ng mahigit 40 milyong doses ng bakuna ang nagamit na. Mahigit 22.3 milyong Pilipino ang naturukan ng kanilang first dose samantalang halos 18 milyong Pilipino naman ang nakakumpleto na ng kanilang doses ng bakuna kontra COVID-19.

At habang hindi pa natin naaabot ang population protection leading to herd immunity, bilang Chair ng Senate Committee on Health, patuloy ang aking panawagan sa lahat na sundin pa rin ang lahat ng mga itinakdang health protocols upang masigurong ligtas tayo at ang ating komunidad.

Nandito tayo para sa magserbisyo, magbigay-solusyon sa mga problema, at tumulong sa mga nangangailangan. ‘Yan ang pangako namin sa taumbayan. Kahit ano’ng putik ang itapon ninyo sa amin, hindi matitinag ang aming prinsipyo na gawin ang tama at ipaglaban ang kapakanan ng bawat Pilipino.

Leave a Reply